NOTE TO ALL READERS

Starting September 8, 2012, anonymous comments -- whether for or against the RH bill -- will no longer be permitted on this blog.

Monday, August 6, 2012

Ansel Beluso on why he opposes the RH bill

Mr. Ansel Beluso published the following note on Facebook on why he opposes the RH bill. I am publishing this note with his permission.

For more about Mr. Beluso and his life story, please read this: ANSEL BELUSO: From zombading of the worst kind to being zealous for Christ!!!!


BAKIT KO TINUTUTULAN ANG RH BILL?
Una, ako ay sumasampalataya sa kabanalan ng buhay, na siyang pinakasagradong biyaya ng Diyos. Ako ay nananalig na ang buhay ay nagsisimula sa akto ng pagtatagpo ng punlay ng ama at ng itlog ng ina. Ako ay naniniwalang anumang paraan na humahadlang at sumisira sa pagpapatuloy ng likas na daloy ng buhay mula sa puntong iyon ay labag sa kalooban ng Diyos.
 
Pangalawa, ako ay tutol sa abortion. Bagama’t ang salitang “abortion” ay hindi matatagpuan sa alinmang pahina ng House Bill No. 4244, marami sa mga contraceptive methods na isinusulong at popondohan nito ay mayroong abortifacient potential, may kakayahang magbunga ng tinatawag na chemical abortion. Ang chemical abortion ay abortion.
Pangatlo, naniniwala akong ang tinatawag na reproductive health education component ng RH Bill ay mapanganib para sa pamilya at sa kabataan na ayon sa Saligang Batas ng ating bansa ay tungkulin ng Estado na itaguyod, kalingain at pagyamanin.
 
Ang RH Bill ay mapanganib sa pamilya dahil pinahihina nito ang ugnayan ng magulang at anak; at pinanghihimasukan nito ang karapatan at obligasyon ng magulang bilang pangunahing guro at gabay ng mga anak sa usapin ng seksuwalidad.
 
Ito rin ay mapanganib sa kabataan dahil ituturo nitong isabuhay ng ating mga anak ang kalayaang magbubunga ng ibayong kapusukan at mga maling pagpapahalaga. Ito ay salungat sa aral ni Ama at ni Ina, kumakalaban sa tradisyon at kalinangan nating mga Filipino, at may malaking potensiyal na magdulot ng peligro sa kapakanan ng mga bagong sibol na Filipino. 
Pang-apat, naniniwala akong hindi solusyon ang idudulot ng RH Bill kungdi karagdagan pang problema. Nakikita natin ang masamang bungang idinulot ng batas na ito sa mga kanluraning bansa – contraceptive mentality, secular lifestyle, godless ideology, etc. Ang panukalang ito ay magpapabago sa pananaw at pagpapahalaga ng lipunan sa lahat ng aspeto ng buhay na nauuwi sa kapahamakan ng tao sa pangkalahatan. 
Panglima, hindi ako naniniwalang ang RH Bill ay pangkababaihan. Una, isang katotohanang marami sa mga contraceptive methods na sinasabing “safe” ay hindi “safe” dahil nagpapanipis ng matres, nagpaparupok sa obaryo, sumisira sa natural cycles ng katawan ng babae, at may potensiyal na magbunga ng sakit tulad ng iba’t ibang cancer. Pangalawa, walang contraceptive method na 100 percent safe. Ang mga kontraseptibong itinuturing na 99-percent safe ay naglalagay sa panganib sa 1 percent ng gumagamit nito. Samakatuwid, sa bawat isang milyong kababaihang gumagamit ng 99-percent safe contraceptive methods ay may sampung libong babaeng magkakaroon ng pinsala mula rito.
 
Pang-anim, hindi ako naniniwalang ang RH Bill ay pangmahirap. Ayon sa aking payak na pang-unawa, ang solusyon sa kahirapan ay hindi yung lipulin natin ang mga mahirap at hadlangan ang kanilang likas na kakayahang magparami. Sa halip, kasama sa mandato ng pamahalaan na mabigyan sila ng mga paraan upang makaahon sa kahirapan sa pamamagitan ng mga basic services na kailangan nila para magkaroon ng parehas na laban sa buhay, umunlad, yumaman at makapag-ambag din sa lalo pang ikasasagana ng bansa. 
Pampito, sumasampalataya ako sa Simbahang Romano Katoliko at Apostoliko; at kusa akong pumapailalim at nagpapasakop sa mga Obispo at kaparian na pinananaligan kong nag-aangkin ng dunong ng tao at pinagdadaluyan ng dunong ng Diyos. Naniniwala akong hindi katigasan ng ulo o bulag na pagtaguyod sa makaluma at sinaunang kaisipan ang nagbubunsod sa Simbahan para tutulan ang RH Bill; naniniwala akong ang panukalang ito ay labag sa kalooban ng Diyos kaya ito, ayon sa kunsensiya ko, ay imoral at makasalanan.
 
Panginoon, gabayan Mo ang Iyong bayan.



No comments:

Post a Comment