RH BILL, HINDI PARA SA ATING BAYAN
ni: John B. Juat
Bilang isang anak at isang mamamayan
Ng ating minamahal na bayan
Mayroon akong mumunting kahilingan
Sana, kahit papaano, ako ay mapakinggan
Tingnan natin mabuti ang kapaligiran
Ano ba ang nakikita? Ano ang namamasdan?
Marami ang naghihirap, nakararanas ng kagutuman
Bakit kaya hindi parin natin sila matulungan?
Ang ating mga kapatid, ano ba ang kanilang kalagayan?
Ano ba talaga ang kanilang tunay na kailangan?
Edukasyon, pagmamahal, kalusugan at tirahan
Iyan ang dapat natin ibigay. Lahat naman ay may karapatan
Sobra na ang ating pagbubulag-bulagan
Halata naman, nararapat na sila ay ating tulungan
Para isang araw, maiahon sila mula sa kahirapan
At mabigyan sila ng magandang kinabukasan
Ngunit bakit ang RH bill patuloy na ipinaglalaban?
Hindi naman ito ang solusyon, marami naman paraan
Hindi naman nito kaya punuin ang kanilang mga tiyan
Ang tanging tinuturo nito ay maling kamalayan
Purkit malaki ang pamilya, ito na ba ay kasalanan?
O sadyang ang sarili lamang ang laman ng isipan?
Isipin natin ang kapwa natin, sila ay dapat protektahan
Hindi dungisan at mas lalong sirain ang kanilang pangalan
Ano ba ang mangyayari kung ating turuan
Ng tungkol sa seksualidad ang ating kabataan
Pamilya ang dapat magturo, huwag natin sila pangunahan
Dahil disgrasya kung ang impormasyon ay mali ang pinaggalingan
Ano na ang mangyayari sa mga kababaihan?
Sinisira ng RH bill ang kanilang katauhan
Sila ay may dignidad, hindi naman sila kagamitan
Sila ay dapat lamang na alagaan at suportahan
Itinuturo din ang pag-abuso sa ating kalayaan
Pati na rin ang sobra at maling kaalaman
Itinuturo na ang pagbubuntis ay isang sakit na dapat iwasan
Ang buong bill na ito ay puro kasinungalingan
Kung susuriin natin ng mabuti ang nilalaman
Hindi naman talaga ito ukol sa kalusugan
Hindi ito nakabubuti para sa karamihan
Kaya sana… ang bill na to ay itapon na sa basurahan
Marami na ngang problema ang kailangan solusyonan
Huwag na natin intaying lumala, huwag na natin dagdagan
Bigyan natin sila ng edukasyon at gumawa ng kabuhayan
Para sila’y makaipon kahit mumunting puhunan
Kung ang habol ng ating bayan ay kaunlaran
Ang ating kapwa mahihirap hindi dapat pinababayaan
Huwag natin isakripisyo ang moralidad para sa kayamanan
Kung hindi, ang Pilipinas ay walang patutunguhan
JOHN WALTER BROWN JUAT
3rd Year, BA PSYCHOLOGY
UNIVERSITY OF THE PHILIPPINES, DILIMAN
"Ano ba ang mangyayari kung ating turuan
ReplyDeleteNg tungkol sa seksualidad ang ating kabataan
Pamilya ang dapat magturo, huwag natin sila pangunahan
Dahil disgrasya kung ang impormasyon ay mali ang pinaggalingan"
Aking turan sa iyong katha:
Ito ang dahilan kaya ang RH Bill ay kailangan
Upang tamang impormasyon ay maituro at malinang Hindi lang ukol sa seksuwalidad kundi gayundin sa kabuhayan
Sapagka't marami sa pamilya batid nati'y walang sapat na kaalaman
Kaya marapat lamang na manguna ang higit na nakaaalam
Para ituwid ang mga mali at baluktot na kaisipan
Na sanhi sa mga kababaihang murag edad
Ang nangabubuntis at nagpapalaglag.